Pinagtitibay ng iminungkahing tuntunin ang mga proteksyon na naaayon sa mga ehekutibong kautusan ni Pangulong Biden tungkol sa walang diskriminasyon batay sa oryentasyong sekswal at pagkakakilanlang pangkasarian, at sa pagprotekta sa pag-access sa pangangalagang pangkalusugan sa reproduktibo.
Ngayon, ang Kagawaran ng mga Serbisyong Pangkalusugan at Pantao (HHS) ay nag-anunsyo ng isang iminungkahing tuntunin na nagpapatupad ng Seksyon 1557 ng Batas sa Abot-kayang Pangangalaga (ACA) (Seksyon 1557) na nagbabawal sa diskriminasyon batay sa lahi, kulay, bansang pinagmulan, kasarian, edad, at kapansanan sa ilang mga programa at aktibidad sa pangkalusugan. Ibinabalik at pinalalakas ng iminungkahing tuntuning ito ang mga proteksyon sa karapatang sibil para sa mga pasyente at konsumer sa ilang partikular na programang pangkalusugan na pinondohan ng pederal at mga programa ng HHS pagkatapos ng 2020 na bersyon ng tutunin ay nilimitahan ang saklaw at kapangyarihan nito upang masakop ang mas kaunting mga programa at serbisyo.
Pinagtitibay ng iminungkahing tuntunin ang mga proteksyon laban sa diskriminasyon batay sa kasarian, kabilang ang oryentasyong sekswal at pagkakakilanlang pangkasarian na naaayon sa hawak ng Korte Suprema ng U.S. sa Bostock v. Clayton County, at binibigyang diin ang mga proteksyon mula sa diskriminasyon para sa paghahanap ng mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa reproduktibo. Ang pagpapalakas sa tuntuning ito ay bahagi ng pangako ng Administrasyon ng Biden-Harris sa pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kasarian at kalusugan at mga karapatang sibil, gaya ng inilatag sa mga ehekutibong kautusan ni Pangulong Biden sa Pag-iwas at Paglaban sa Diskriminasyon sa Batayan ng Pagkakakilanlan ng Kasarian o Oryentasyong Sekswal, Pag-protekta sa Pag-access sa mga Serbisyo sa Pangangalagang Pangkalusugan sa Reproduktibo, at Pagsulong ng Pagkakapantay-pantay ng Lahi at Suporta sa para sa mga Kumonidad na Di-nabibigyan ng Sapat na Serbisyo.
“Tinitiyak ng iminungkahing tuntuning ito na ang mga tao sa buong bansa ay makaka-access ng pangangalagang pangkalusugan nang walang diskriminasyon,” sabi ni Sekritaryo Xavier Becerra. “Ang pagtindig sa mga komunidad na nangangailangan ay kritikal, lalo na mas nadaragdagan ang pag-atake sa mga kababaihan, trans na kabataan, at mga tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan. Ang pangangalagang pangkalusugan ay dapat na isang karapatan na hindi nakadepende sa itsura, lokasyon, pagmamahal, wika, o ang uri ng pangangalaga na kailangan ng isang tao.”
“Ngayon higit kailanman, dapat tayong manindigan para sa mga nasa buong bansa na ang mga tinig ay madalas na hindi naririnig, upang ipaalam sa kanila na tayo ay naninindigan sa kanila at nagtatrabaho upang matiyak na maa-access nila ang pangangalagang pangkalusugan na walang diskriminasyon. Ang iminungkahing tuntunin ngayon ay isang malaking hakbang sa pagtatrabaho upang matiyak na ang layunin ay natutugunan,” sabi ni Acting HHS Opisina ng Karapatang Sibil (OCR) Direktor Melanie Fontes Rainer. “Ipinagmamalaki ko ang aming mga kawani na nagtrabaho sa mahalagang tuntuning ito na nagpapatibay sa Seksyon 1557 at nagtatrabaho araw-araw upang tumulong sa pagsuporta sa mga layuning ito. Ang iminungkahing tuntuning ito ay nagpapatibay sa aming pangako na itaguyod ang batas at protektahan ang mga karapatang sibil ng lahat ng tao na uma-access o naghahanap ng access sa mga programa o aktibidad sa pangkalusugan.”
“Ang Pagpapalakas ng Seksyon 1557 ay sumusuporta sa aming patuloy na pagsisikap na magbigay ng mataas na kalidad, abot-kayang pangangalagang pangkalusugan at upang himukin ang pantay na kalusugan para sa lahat ng taong pinaglilingkuran ng aming mga programa,” sabi ng Administrador ng Sentro para sa Serbisyong Medicare at Medicaid (CMS) Chiquita Brooks-LaSure. “Ang gawaing ito ay makakatulong na maalis ang mga maiiwasang pagkakaiba sa mga resulta ng kalusugan na nararanasan ng mga di-nabibigyan ng sapat na serbisyo at magbigay ng pangangalaga at suporta na kailangan ng mga tao upang umunlad.”
Ang Seksyon 1557 Abiso ng Iminungkahing Paggawa ng Tuntunin (NPRM) ay naglalayong tugunan ang mga puwang na tinukoy sa mga naunang regulasyon. Upang maisulong ang mga proteksyon sa ilalim ng panuntunang ito, ito ay:
- Ibinabalik ang saklaw ng Seksyon 1557 upang masakop ang mga programa at aktibidad sa pangkalusugan ng HHS.
- Nililinaw ang aplikasyon ng Seksyon 1557 na mga kinakailangan sa walang diskriminasyon sa mga tagapagbigay ng segurong pangkalusugan na tumatanggap ng pederal na tulong pinansyal.
- Iniaayon ang mga kinakailangan sa regulasyon sa mga opinyon ng hukumang Pederal upang ipagbawal ang diskriminasyon batay sa kasarian kabilang ang oryentasyong sekswal at pagkakakilanlang pangkasarian.
- Nililinaw na ang diskriminasyon batay sa kasarian ay kinabibilangan ng diskriminasyon batay sa pagbubuntis o mga kaugnay na kondisyon, kabilang ang “pagwawakas ng pagbubuntis.”
- Tinitiyak na ang mga kinakailangan upang maiwasan at labanan ang diskriminasyon ay pinapatakbo ng mga entidad na tumatanggap ng ponding pederal sa pamamagitan ng pag-aatas ng mga patakaran at pamamaraan ng mga karapatang sibil.
- Nag-aatas sa mga entidad na magbigay ng pagsasanay sa staff sa probisyon ng mga serbisyo ng tulong sa wika para sa mga indibidwal na may limitadong kasanayan sa Ingles (LEP), at epektibong komunikasyon at makatwirang pagbabago sa mga patakaran at pamamaraan para sa mga taong may kapansanan.
- Nag-aatas sa mga sakop na entidad na magbigay ng abiso ng walang diskriminasyon kasama ng abiso ng pagkakaroon ng mga serbisyo sa tulong sa wika at mga pantulong na tulong at serbisyo.
- Tahasang ipinagbabawal ang diskriminasyon sa paggamit ng mga klinikal na algorithm upang suportahan ang paggawa ng desisyon sa mga sakop na mga programa at aktibidad sa pangkalusugan.
- Nililinaw na ang mga kinakailangan sa walang diskriminasyon na naaangkop sa mga programa at aktibidad sa pangkalusugan ay kinabibilangan ng mga serbisyong inaalok sa pamamagitan ng telehealth, na dapat ma-access ng mga indibidwal na LEP at mga indibidwal na may kapansanan.
- Isinasalin ang Medicare B bilang pederal na tulong pinansyal.
- Pinagbubuti at pinalalakas ang proseso ng mga pagtutol para sa pag-angat ng konsensya at kalayaan sa relihiyon.
Habang ginagawa ng Kagawaran ang paggawa ng tuntuning ito, parehong may bisa ang batas at ang kasalukuyang regulasyon. Kung naniniwala ka na ikaw o ang ibang partido ay nadiskrimina batay sa lahi, kulay, bansang pinagmulan, kasarian, edad, o kapansanan, bisitahin ang OCR Reklamuhang portal upang maghain ng reklamo online.
Hinihikayat ng HHS ang lahat ng mga stakeholder, kasama ang mga pasyente at kanilang mga pamilya, tagapagbigay ng segurong pangkalusugan, tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan, asosasyong propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan, tagapagtaguyod ng konsumer, at entidad ng gobyerno, na magsumite ng mga komento sa pamamagitan ng regulations.gov.
Ang mga pampublikong komento sa NPRM ay dapat maibigay 60 araw pagkatapos mailathala ang NPRM sa Rehistrong Pederal. Ang Kagawaran ay magsasagawa rin ng Konsultasyong Pagpupulong ng Panlipi sa Agosto 31, 2022, mula alas-2:00 p.m. hanggang alas -4:00 p.m. Eastern Daylight Time. Upang makilahok, kailangan mong magparehistro nang maaga sa https://www.zoomgov.com/meeting/register/vJIsfu-rqzksEl2T8gUp_lDrWBqkU0223CY. Ang NPRM ay maaring mapanood o i-download sa: https://www.hhs.gov/civil-rights/for-individuals/section-1557/index.html.
Ang fact sheet ng NPRM ay makukuha sa Ingles at 16 na mga lenguahe sa: https://www.hhs.gov/civil-rights/for-individuals/section-1557/index.html.
Originally published at https://www.hhs.gov/tl/about/news/2022/07/25/hhs-announces-proposed-rule-to-strengthen-nondiscrimination-in-health-care.html